PANAGINIP LANG


…Kakaiba kasi ang disiplinang pinakikita nila lalo na sa kanilang
pagsasamba na isang malaking halimbawa ng pag-rerespeto nila sa DIYOS.
Nakailang sama na tayo sa paanyaya ng ilan nating kaibigang mga INC sa
kanilang pagsasamba at hindi natin maiwasan ikumpara unang una ang
kalinisan sa loob ng kanilang kapilya. Ilang local na ho ang napasyalan
natin at pare-pareho ho ito.

Hindi ho kagaya ng ugali nating mga Katoliko na kanyang kanyang
puwesto na kadalasan tuloy ay naiiwang bakante ang maraming silya sa
gitna, sa mga kapatid ho natin sa INC ay pupunuin ang bawat silya mula
sa harap hanggang makarating sa likod.

Wala rin hong social status ang sistema ng kanilang pag-okupa at first
come first serve lahat. Kahit sino ka man, kahit sikat ka, walang
reservation at kung mahuhuli ka ay sa likod ka uupo.

Bawal rin sa kanila ang mga damit na masyadong maiksi na suot minsan
ng ilan nating mga kapatid na Katolikong kababaihan na siya namang
aaminin nating nakakadistract ng attention. Hiwalay rin ho ang puwesto
ng mga babae at lalaki at walang batang nagtatakbo sa loob na mistulang
ginagawang playground.

Ang mga song book nila ay nakalagay sa kaliwang bahagi ng mahabang
bangko at isa isang kinukuha at pagkatapos ng kanilang pagsasamba ay isa
isa rin nilang binabalik. Kung ginagalang ho kasi natin ang PANGINOON
bakit natin kinakalat na lamang ang mga misalette o anumang papel sa
simbahan na napakarumi tingnan.

Wala rin hong nag-bubulungan sa kanila habang sumasamba at lalong
walang kalabitan na madalas ring gawin ng ilan nating mga kasamahan sa
simbahang Katoliko.

Ultimo sa katapusan ng kanilang pagsasamba, row by row silang
lumalabas at hindi nagkakagulo at naguunahan. Muli lang natin naalala
ito lalo na nung panahon ng holidays kung saan dumalaw naman tayo sa
ilang simbahan upang magpasalamat sa PANGINOON sa lahat ng biyayang
nakukuha natin. Lahat ho tayo ay dapat mag-count ng blessings natin na
bigay sa atin ng DIYOS.

Tunay na kahanga hanga at karapat dapat tularan hindi lamang sa paraan
ng pagsasamba o pagsisimba kung hindi sa lahat ng antas ng lipunan dahil
isa sa pinakamalaking suliraning kinakaharap natin ngayon ay ang
kakulangan sa disiplina at palakasan system na laganap.

At komo unang column natin ito ngayong taong 2007, sana kahit sa 
maliit na paraan ay maantig natin ang ating mga kababayan at ma-adopt 
natin ang disiplinang pinaiiral ng mga INC upang kahit paano naman ay 
maibsan ang problema ng bayan…


"PANAGINIP LANG Ni Nixon T. Kua, Ang Pilipino STAR Ngayon 01/02/2007"